P29.9 milyon shabu samsam sa drug dealer sa Zamboanga
COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng mga pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency-9 ang aabot sa P29.9 million na halaga ng shabu mula sa isang dealer na nalambat sa Barangay Divisoria, Zamboanga City nitong umaga ng Lunes.
Kinumpirma nitong hapon ng Lunes ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, ang pagkaaresto ng shabu dealer na si Azraf Kayza Julkarim Ikbala sa naturang entrapment operation, magkatuwang na isinagawa ng PRO-9 Regional Drug Enforcement Unit at ng PDEA-9.
Hindi na pumalag pa si Ikbala nang arestuhin ng magkasanib na mga pulis at mga operatiba ng PDEA-9 na kanyang nabentahan ng apat na kilong shabu sa isang lugar sa Palawan Zone II sa Barangay Divisoria sa Zamboanga City.
Sa mga hiwalay na pahayag ni Masauding at ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, naikasa ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga impormanteng alam ang malakihang pagbebenta ni Ikbala ng shabu sa Zamboanga City at ilang bayan sa Zamboanga Sibugay.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Ikbala gamit ang P29.9 million na halaga ng shabu na nakumpiska sa kanya bilang ebidensya.
- Latest