Lider ng NPA sa Southeastern Mindanao, 2 pa timbog
MANILA, Philippines — Umiskor ang pinagsanib na mga elemento ng militar at pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa isang mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at dalawang iba pa sa operasyon sa Bagua 3 sa lungsod ng Cotabato, ayon sa opisyal nitong Lunes.
Kinilala ang mga nasakoteng high ranking leader ng NPA na si Ruel Villanueva Cabales alyas “Ka Aman”, secretary ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).
Arestado rin sa operasyon sina Cathernie Guinoo alyas “Ka Dewen”, Deputy Secretary at miyembro ng SMRC Executive Committee ( EXECOM) at Alma Mae Masalon alyas Ka Meme, kasapi rin ng grupo.
Ayon kay Major Ruben Gadut, Officer -in-Charge Public Affairs Office ng Army’s 10th Infantry Division (ID), ang tatlo ay nasakote kamakalawa sa kahabaan ng Mabini Street, Bagua 3 ng lungsod sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte laban sa mga ito.
Sinabi ni Gadut na ang tatlo ay nahaharap sa mga kasong illegal possession, manufacture and acquisition ng armas, mga bala at eksplosibo, destructive arson, violation or intimidation of persons at attempted murder.
Gayundin ang crimes against International Humanitarian Law Genocide, iba pang crime against genocide, at maging ang crime against humanity.
Pinapurihan naman ni Major General Allan Hambala, Commander ng Army’s 10th Infantry Division (ID) ang matagumpay na pagkakasakote kay Cabales at 2 iba pa.
- Latest