4 patay, 7 pa sugatan sa road mishap
MANILA, Philippines - Apat katao ang nasawi habang pito pa ang nasugatan kabilang ang dalawang paslit sa magkakahiwalay na banggaan ng mga behikulo sa bayan ng Tagkawayan at Tiaong, Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon Police, naitala ang unang sakuna bandang alas-11:45 ng umaga sa Quirino Highway, Brgy. Sta. Cecilia, Tagkawayan, Quezon habang patungo sa Bicol Region ang Mitsubishi Lancer (PPW-481) na minamaneho ni Danilo Arevalo ng Bacoor, Cavite na may lulang anim katao.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela si Arevalo sa pakurbadang bahagi ng highway bunsod upang tuluy-tuloy na bumangga ang behikulo sa nakaparadang ten wheeler truck sa tabi ng highway.
Sa nasabing insidente ay dead-on-arrival sa Seton General Hospital ang mga biktimang sina Arevalo at Marissa Arciaga matapos na magtamo ng grabeng sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Patuloy namang ginagamot sa pagamutan ang mga sugatang biktima na sina Michelle Unay, mga kapatid nitong sina Ma. Jochelle, 8 at Janelle, Jenny Rose Gregorio, 35 at Arjay Lopez; pawang mga residente ng Bacoor, Cavite.
Samantala, bandang alas-10:20 naman ng gabi ng mag-banggaan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng provincial road ng Brgy. San Agustin, Tiaong, Quezon na ikinasawi ng mga biktimang sina Arvie Awatin at Harvey Ramos. Nasugatan naman sa insidente sina Jaypee Nodera, 13 at Gilbert Villarosa na mabilis na isinugod sa pagamutan.
- Latest