Namugot sa 10 Marines arestado
MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang notoryus na berdugong sub-commander ng Abu Sayyaf Group na sangkot sa pamumugot ng ulo sa 10 sundalo ng Philippine Marines noong 2007 sa isinagawang operasyon sa Isabela City, Basilan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang nasakoteng suspek na si Abdulpattah Ismael alyas Patah Hamjak.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay ng kasong multiple murder, nasakote si Ismael sa bahagi ng Barangay Riverside, Isabela City.
Sinasabing si Ismael ay sangkot sa pamumugot sa 10 sundalo noong Hulyo 2007 sa bayan ng Al Barkha, Basilan at kabilang sa mga namuno sa pagpaplano ng 2009 Basilan jailbreak upang itakas ang kanilang kumander na si Dan Laksaw Asnawi.
Isinasangkot din si Ismael sa bigong kidnapping sa Sangali, Zamboanga City kung saan responsable rin sa pagbili ng mga SAF uniform na ginamit ng mga bandido na umatake sa Isabela City noong 2010.
Kasalukuyang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ang suspek.
- Latest
- Trending