Police detachment sa Maguindanao grinanada
COTABATO CITY, Philippines — Pinasabugan ng MK2 fragmentation grenade ang tapat ng isang police detachment sa Pagalungan, Maguindanao del Sur nitong gabi ng Miyerkules.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa malakas na pagsabog ngunit nagsanhi ito ng gulat at takot sa mga residenteng nakatira sa paligid ng detachment ng 4th Mobile Platoon ng 2nd Police Mobile Force Company sa gilid ng highway sa sentro ng naturang bayan.
Ayon kay Capt. Razul Pandulo, municipal police chief ng Pagalungan, ang MK2 fragmentation grenade, inihagis mula sa malayo, ay sumabog sa tapat ng detachment.
May isa pang granadang natagpuan sa naturang detachment na hindi sumabog na maagap namang nailigpit ng mga bomb experts na nagresponde sa insidente.
Magkatuwang na inaalam pa nila Pandulo at mga intelligence agents ng 90th Infantry Battalion ng Philippine Army kung sino ang responsable sa naturang pambobomba ng police detachment.
Ang insidente ay naganap isang araw lang matapos ang pagpapasabog ng granada sa isang peryahan sa hindi kalayuang Barangay Marbel sa bayan ng Matalam sa Cotabato na nagsanhi ng pagkamatay ng isang residente, si Romel Pristo Cabiso at bahagyang pagkasugat ng limang iba pa na ngayo’y ginagamot sa isang ospital.
- Latest