Selda ng carjacking witness, binomba
MANILA, Philippines - Niyanig ng malakas na pagsabog ang loob ng detention cell ng isa sa notoryus na carjacking gang member turned state witness matapos na hagisan ito ng granada ng hindi pa nakilalang mga suspek nitong Sabado ng hapon sa Bulacan Provincial Jail sa Malolos City.
Batay sa ulat, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang pagsabog ay naganap sa kulungan ni Alfredo Mendiola alyas Bading dakong alas-2:40 ng hapon sa nasabing piitan na matatagpuan sa lungsod.
Ayon kay Cruz si Bading ay isa sa mga suspek sa brutal na pagdukot, pagpatay at pagsunog sa bangkay ng car dealer na si Venson Evangelista noong Enero 3 ng taong ito sa Cubao, Quezon City.
Ang magkapatid na Roger at Raymond Dominguez ang itinuturong mastermind sa Evangelista murder kung saan tauhan umano ng mga ito ang suspek na si Bading na pinaniniwalaan namang target ng pagpapasabog.
Si Mendiola na isang suspect na naging witness laban sa magkapatid na Dominguez ay inilipat sa Bulacan Provincial sa kaniyang kahilingan matapos itong umalis sa Witness Protection Program (WPP) na ipinagkaloob ng lokal na korte.
Ayon kay Cruz, lumilitaw sa imbestigasyon na dalawang lalaki ang umakyat sa hagdan ang responsable sa paghahagis ng dalawang granada at dalawang improvised na Molotov bomb sa loob ng detention cell ni Mendiola.
Gayunman, isang granada at isang molotov bomb lamang ang sumabog at wala namang iniulat na nasugatan at nasawi sa insidenteng ito. Narekober sa lugar ang hindi pa sumasabog na granada at molotov bomb at fragments ng sumabog na granada.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang kasong ito.
- Latest
- Trending