5 katao lunod sa tubig-baha
MANILA, Philippines - Umaabot na sa lima-katao ang iniulat na nasawi sa patuloy na pagbuhos ng ulan dulot ng low pressure area na nakaapekto sa Central Mindanao at ilang bahagi ng Luzon, ayon sa ulat ng National Disaster Risk and Reduction and Management Council kahapon.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, pinakabagong nadagdag sa talaan ay ang 56-anyos na si Alejandara Mortel ng Brgy. Carmen, San Agustin, Romblon na namatay matapos malunod sa tubig-baha.
Iniulat naman ng Central Mindanao Regional Disaster Risk Reduction and Management Council na apat sa mga nasawi ay nagmula sa North Cotabato.
Kabilang sa namatay ay ang mag-utol na sina Roberto,15; at Rommel Argoncillo, 14, na kapwa nalunod sa Libungan, North Cotabato.
Samantala, nasawi rin si Rudy Aperdo matapos malunod sa tubig-baha sa Pikit, North Cotabato.
Nasa ilalim ng signal number 1 ang mga lalawigan ng Bataan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Pangasinan, Cavite at Metro Manila kung saan ang LPA ay naging bagyong Dodong.
Natagpuan na ang isang 10-anyos na si Mark Daniel Ken Mateo na sinasabing tinangay ng malakas na agos ng tubig-baha habang tumatawid sa spillway ng Sitio Bulaclakan, Brgy. New Danglayan sa bayan ng Bauan, Batangas.
Naitala naman sa 33,006 pamilya (173,366-katao) mula sa rehiyon ng Mindanao na kinabibilangan ng Bukidnon, Davao del Sur, Sultan Kudarat, North Cotabato at Maguindanao.
Aabot naman sa 153 pamilya (368 katao) ang apektado ng tubig-baha sa Brgy. Pallocan West II, Brgy. Gulod Labac, Brgy. Libyo, at Brgy. Cutar na pawang nasa Batangas City.
Patuloy naman ang monitoring at pagbibigay ng tulong ng lokal na pamahalaan sa mga residente na naapektuhan ng kalamidad.
- Latest
- Trending