7 minero patay sa landslide sa Benguet
MANILA, Philippines - Nalibing ng buhay ang pitong minero makaraang aksidenteng maguhuan ng lupa ang apat na bunkhouses na kanilang tinutuluyan sa landslide dulot ng bagyong Kiko sa Barangay Kias, Tuba, Benguet kamakalawa ng gabi.
Dinala ang bangkay ng mga biktima sa Kias Barangay Hall upang personal na kilalanin ng kanilang mga pamilya.
Dalawa namang sugatang minero ang isinugod sa Baguio City General Hospital and Medical Center para malapatan ng lunas.
Patuloy naman ang rescue operations sa lima pang nawawalang minero at kanilang mga pamilya.
Ang landslide ay bunga ng malalakas na pag-ulan dulot ng pagbayo ng bagyong Kiko na nagpalambot ng lupa sa nasabing minahan ng ginto sa lugar.
Nitong Biyernes rin ng umaga ay napaulat ang pagkamatay ng tatlong batang magkakapatid sa landslide sa Baguio City.
Naunang iniulat ng National Disaster Coordinating Council na 73,171 katao ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Kiko na patuloy na nagdudulot ng malalakas na ulan sa ilang bahagi ng bansa kahit palayo na rito.
Nitong Huwebes ng gabi, tatlong Pranses at dalawa nilang tourist guide na Pilipino ang nasawi nang malunod sa baha habang nagtatangkang umakyat sa Mt. Pinatubo sa bahagi ng Capas, Tarlac.
- Latest
- Trending