Sundalo nangholdap ng tindahan
MANILA, Philippines - Isang sundalo na nangholdap at nakatangay umano ng halagang P50,000 sa isang tindahan sa Ecoland, Davao City ang ipinagharap ng kasong robbery kasunod ng pagkakadakip sa kanya nitong Martes.
Kinilala ng Police Regional Police Office-11 ang suspek na si Private First Class Gary Silverio na nakatalaga sa 25th Infantry Batallion ng 10th Infantry Division ng Philippine Army.
Isinampa ng Taloma Police Station ang kaso dahil sa reklamo ng negosyanteng si Analie Mahistrado na may-ari ng Elaine and Alex Store sa Ecoland.
Sinasabi sa reklamo na hinoldap ni Silverio ang tindahan noong umaga ng Hunyo 8, Lunes at tinangay ang pera nito. Pinabulaanan ni Silverio ang bintang.
Samantala, isang head teacher sa Gonzaga Elementary School dito na si Harold Callangan ang ipinagharap ng kasong robbery dahil sa pagtangay umano sa midyear bonus ng mga guro na nagkakahalaga ng mahigit P1 million.
Ayon kay City Police Director Senior Superintendent Reynaldo Sinaon, pinasok umano ni Callangan ang disbursing section ng north district office ng Department of Education noong Mayo 22.
Tinutukan ni Callangan ng baril ang disbursing staff at tinangay ang salaping para sana sa midyear bonus ng mga guro sa naturang lugar. (Joy Cantos at Charlie Lagasca)
- Latest
- Trending