3 sundalo sugatan sa responde sa ‘rido’
MANILA, Philippines — Tatlong sundalo ang sugatan, isa rito ang nasa kritikal na kondisyon makaraang magresponde sa rido o clan war sa Brgy. Biosong, Picong, Lanao del Sur nitong Sabado.
Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Private First Class Cupid Val Mosqueda, Pvt. Jude Delegorio at ang nasa kritikal na kondisyon na si Staff Sergeant Reymond Padawan; pawang ng Army’s 64th Infantry Battalion.
Batay sa report, sinabi ni Captain Steffi Salanguit, Spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (Pro-BAR), ang mga nasugatang sundalo ay kabilang sa mga nagresponde sa rido ng magkalabang angkan ng mga Moro sa Brgy. Biosong, Picong dakong ala-1 ng hapon.
Tinukoy ng opisyal na ang pamilya Labao at Gaosil ang nagkaengkuwentrong angkan sa nasabing lugar kaya nagresponde ang mga sundalo upang payapain ang sitwasyon.
Nabatid na ang magkalabang angkan ay nag-ugat ang sigalot sa pinag-aagawan na lupain sa kanilang lugar.
Bago ang rido, isang miyembro ng pamilya ng Labao ang pinagbabaril ng isa sa kanilang kalabang angkan kaya rumesbak ang kabilang angkan.
Humupa lamang ang bakbakan ng magkalabang angkan matapos magresponde ang mga sundalo sa lugar. Gayunman habang nagsasagawa ng clearing operation ang mga sundalo ay pinaulanan sila ng bala ng mga miyembro ng pamilya Labao.
Nagsagawa na ng mahigpit na security operations ang tropa ng pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at mapigilan ang pagdanak ng dugo sa pagitan ng magkalabang angkan.
- Latest


















