‘Killer’ ng 5 pulis, 1 pa todas sa engkuwentro!

MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng pulisya makaraang kanilang mapaslang ang isang “most wanted” na Dawlah Islamiyah (JI) terrorist at isang kasamahan sa nauwi sa engkuwentrong pagsisilbi ng warrant of arrest sa Ampatuan, Maguindanao kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Col. John Michael Mangahis, director ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office kinilala ang napatay na sina Amar Sansawi Usman alyas “Akhie Usman”, miyembro ng Islamic State-DI terrorist group at kasama na si alyas “Syok”.
Ayon kay Mangahis, ang grupo ni Usman ay sangkot sa pananambang sa limang pulis na napatay sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Marso 28 ng taong ito.
Kasalukuyang isinisilbi ng mga operatiba ang warrant of arrest laban kay Usman sa Brgy. Kapinpilan, Ampatuan nang salubungin sila ng pagpapaulan ng bala ng grupo na nauwi sa palitan ng putok na tumagal ng ilang minuto hanggang sa magkasunod na duguang bumulagta sina Usman at Syok na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Ayon sa opisyal, nagawa pang maisugod sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center sina Usman at Syok pero kapwa idineklarang dead-on-arrival ang dalawa.
Sinabi ni Mangahis na si Usman ay nakatala bilang most wanted person sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Maguindanao del Sur.
- Latest















