Mag-asawang ‘tulak’ huli uli sa NBI

BAGUIO CITY, Philippines — Muling nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cordillera Administrative Region (NBI-CAR) nitong Huwebes ang mag-asawang dati nang inaresto sa isang drug raid sa kanilang motor shop sa Barangay Tabora, kasama ang lima nilang empleyado.
Kinilala ang mga suspek na sina Philip Bawiyan Sog-ed at misis nitong si Marites Bocasan Sog-ed, alyas “Bheng” o “Beng.”
Dinakip ang dalawa sa bisa ng magkahiwalay na warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 18 ng Regional Trial Court Branch 78 sa Baguio City. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa NBI-CAR, nakatanggap sila ng impormasyon dakong alas-11:30 ng umaga nitong Miyerkules na naging dahilan upang ikasa ang warrant operation sa pangunguna ni Senior Agent Aaron Mark Ayagen, sa ilalim ng superbisyon ni NBI-CAR Executive Officer Atty. Romano Pangan.
Una umanong tinugis si Philip sa kahabaan ng Naguilian Road bago tuluyang nasukol sa Shuntog Street, Barangay Burnham-Legarda, sa ibaba ng Baguio City Hall. Tinangka pa umano nitong tumakas ngunit napasuko rin ng mga operatiba.
Habang sumasailalim sa proseso sa regional office ng NBI-CAR, nakontak ni Philip ang kanyang misis at nahimok na sumuko sa mga awtoridad.
Agad namang nagtungo ang mga operatiba sa Poblacion, Sablan, Benguet, kung saan kusang sumuko si Marites.
Iniharap ang mag-asawa sa korte bago tuluyang ikinulong sa Baguio City Jail nitong Huwebes ng hapon.
Pinuri naman ni NBI-CAR Regional Director Jerry Abiera ang tiyaga at determinasyon ng kanyang mga tauhan sa pagtugis sa mag-asawa.
- Latest















