Koreano arestado sa P1.24 milyong shabu

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 29-anyos na Korean national matapos makumpiskahan ng P1.24 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa buy-bust operation sa Barangay Macapagal, Mabalacat City, Pampanga, noong Nobyembre 18.
Batay sa report, bandang alas-10:50 ng umaga nang madakip si alyas “Kyoung,” sa operasyong pinangunahan ng Police Station 4 ng Angeles City Police Office (ACPO), katuwang ang iba pang yunit ng pulisya sa Central Luzon.
Nasamsam sa suspek ang 180 hinihinalang ecstasy tablets na may halagang P306,000; 159 pods na may hinihinalang liquid ketamine na nagkakahalaga ng P636,000; at tinatayang 100 gramo ng ketamine powder na nasa P300,000 ang halaga.
Ayon sa ulat ng pulisya, sa Brgy. Anunas, Angeles City unang itinakda ang bentahan ng droga. Gayunman, inilipat ng suspek ang tagpuan sa Mabalacat City, kaya inilipat din ng mga operatiba ang kanilang puwesto at naisagawa ang buy-bust.
Pinuri ni Police Regional Office 3 Director PBGen. Jess B. Mendez ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at sinabing paiigtingin pa ng pulisya ang kampanya laban sa ilegal na droga sa Central Luzon, anuman ang nasyonalidad ng mga sangkot.
- Latest















