Pintor durog sa Hanjin
SUBIC, Zambales – Kamatayan ang sumalubong sa isang 42-anyos na pintor makaraang mabagsakan ng airduct na bakal sa compound ng Hanjin Heavy Industries Corp. shipyard sa bayan ng Subic, Zambales kahapon. Kinilala ang biktima na si Jose Vener Gil ng Subic, Zambales at kawani ng Philnorkor na isang sub-contractor ng HHIC-Phil. Base sa ulat ng Subic Bay Metropolitan Authority, kinakalas ng biktima, ang 250-kilong airduct na pipinturahan sana nang biglang malaglag ang bakal at tuluyang dumagan sa kanya. Noong nakalipas na linggo naman ay nasawi si Philip Mendoza habang sugatan ang tatlong iba pa kabilang na ang isang Koreano matapos bumangga ang sinasakyang trak sa poste ng ship building facility. Pinaniniwalaang may pagkukulang sa mga itinatakdang safety measures ang mga sub-contractors ng shipyard. Alex Galang
Simbahan binomba
Niyanig ng malakas na pagsabog ang harapan ng simbahan ng Jehova’s Witnesses sa bayan ng Kabacan, North Cotabato noong Miyerkules ng gabi. Ayon sa regional Army spokesman na si Major Randolph Cabangbang, isang improvised explosive device ang sumabog sa nasabing simbahan sa likuran ng Pilot Elementary School sa Matalam St., Kabacan. Ayon naman kay P/Chief Inspector Franklin Anito, hepe ng Kabacan PNP, sinasabing may dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang naghagis ng bag sa lugar bago naganap ang pagsabog. At posibleng may kinalaman ang mga rebeldeng MILF. Ngunit sa pahayag ng ilang miyembro ng Jehova’s Witnesses, nakatanggap sila ng extortion letter mula sa Al-Kobar terror group na humihingi ng P.5 milyon at nagbantang pasasabugin ang kanilang simbahan. Joy Cantos
Waldas na mister nag-suicide
NUEVA ECIJA – Isang 48-anyos na mister ang iniulat na nagbigti makaraan makonsensya sa ginawang paglustay ng naipong pera ng kanyang asawang OFW kamakalawa ng hapon sa Barangay Del Pilar, sa bayan ng Rizal, Nueva Ecja. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, nakilala ang biktimang traysikel drayber na si Virgilio Tresnado y Flores. Huling namataang buhay ang biktima na umiinom ng alak sa bakuran ng kanilang bahay. Natagpuan ang isang suicide note na sinasabing nalustay ang malaking halaga na naipon ng kanyang misis na overseas Filipino worker sa Singapore. Bukod sa pagiging waldas ng biktima, nadiskubre ring may ibang karelasyong babae ang biktima. Christian Ryan Sta. Ana
- Latest
- Trending