August 10, 2008 | 12:00am
Dahil sa pagkalulong sa internet games ay nagbulakbol at nagbenta ng kasangkapan sa bahay kaya ibiniting patiwarik ng ama ang sariling anak na hayskul student sa Barangay Quezon, General Santos City, South Cotabato kamakalawa. Posibleng kasuhan ng kinauukulan si Romeo Balor dahil sa pagmamaltrato sa kanyang anak na itinago sa pangalang Rico. Nabatid na natuklasan ng ama ang pagkawala ng kanilang kagamitan, gayon pa man wala naman siyang suspetsa kung sino ang nanloob sa kanila. Bunsod nito, binisita ng ama ang paaralan, subalit nabigla ito nang sabihin ng guro na laging absent ang kanyang anak. Sa tulong ng ibang mag-aaral ay natagpuan si Rico na abala sa internet games kaya kinaladkad itong pauwi ng galit na ama. Pagdating ng bahay ay inamin ng bata na siya ang nagbenta ng kanilang gamit para may maipambayad sa internet games dahil kulang ang kaniyang baong pera na labis na ikinagalit ni Balor kaya ibinitin patiwarik sa punongkahoy ang anak. Agad na rumesponde ang mga bgy. tanod sa nasaksihang pagpaparusa ni Balor sa anak.
Sa presinto, inamin ni Balor ang ginawa at sinabing bahagi ito ng kanyang pagsuheto sa masamang bisyo ng kaniyang anak na napapabayaan na ang pag-aaral. Pansamantalang kinuha ng mga social worker ang bata para sa counseling. Joy Cantos