Suspek sa pagpatay sa Jollibee crew natimbog
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Matapos ang mahigit na isang buwang pagtatago, naaresto na ng pulisya ang isang 19-anyos na lalaking pangunahing suspek sa pagpatay sa dalagang service crew ng Jollibee sa bayan ng Calapan, Oriental Mindoro, ayon sa police.
Pormal naman kinasuhan ang suspek na si Ronald Lingon, 2nd year student ng South Western Luzon Maritime Institute at residente ng Barangay Balete sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Manuel Luna ng Calapan City Regional Trial Court Branch 39, naaresto si Lingon habang nasa loob ng kanyang tahanan bandang alas-5:30 ng hapon kamakalawa.
Ayon kay P/Supt. Bonard Briton, si Lingon ay itinuturong pumatay sa dalagang service crew ng Jollibee na si Hazel Macagaling, 21, kung saan natagpuan ang bangkay nito sa Barangay San Vicente Oriental sa bayang nabanggit noong Dec. 9, 2007.
Matatandaang papauwi na sana si Hazel sa Barangay Malaya mula sa pag-eensayo ng sayaw para sana sa kanilang presentation sa nalalapit na company Christmas party nang harangin ng dalawang lalaki, may ilang metro lang ang layo sa public market bandang alas-11:30 ng gabi.
Pinaghahanap pa ng pulisya ang isa pang suspek na naninirahan sa Occidental Mindoro na pinaniniwalaang may kinalaman din sa krimen. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending