BIFF leader, 11 tauhan dedo sa sagupaan
MANILA, Philippines — Patay ang isang pinuno ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at 11 sa kanyang mga tauhan sa sagupaan sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, kamakalawa.
Kinumpirma ng mga kasapi ng ibat-ibang Municipal Peace and Order Councils, ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng 6th Infantry Division ang pagkasawi ni BIFF lider na si Mujiden Animbang, alias Kagui Karialan na wanted sa 47 na mga kasong pambobomba, extortion, multiple murder at arson sa iba’t ibang mga korte na itinuturong chairman ng BIFF-Karialan faction.
Nasawi rin sa naturang engkwentro ang kapatid ni Karialan na si Saga Animbang na kilalang bihasa sa paggawa ng improvised explosive devices at 10 pang kasama na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nakumpiska ang 12 ibat-ibang uri ng armas, kabilang ang limang M16, tatlong M14, dalawang M653, isang M4 at isang mataas na kalibre ng baril.
Ang grupo ng nasawing si Karialan, may koneksyon din sa teroristang grupong Dawlah Islamiya, ang siyang tinuturong isa sa mga responsable sa mga serye ng pambobomba mula 2014 ng mga sasakyang pampubliko na ayaw magbigay ng “protection money” ang mga may-ari, at kilala rin sa pagkanlong ng nagbebenta ng shabu at marijuana kapalit ng pera.
- Latest