Trak ng relief goods niratrat: 2 sundalo sugatan
MANILA, Philippines – Nasugatan ang dalawang sundalo makaraang pagbabarilin ng mga pinaghihinalaang rebeldeng New People’s Army (NPA) ang trak ng relief goods ng Department of Social Welfare Development (DSWD) para sa mga biktima ng bagyong Nona naganap kamakalawa sa Pinabacdao, Samar.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Pfc Roel Dalaota, 27, nakatalaga sa 546 Army’s Engineering Brigade at Pfc Jay Sercado, 24, ng 83rd Reconnaissance Company ng Phil.Army.
Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga kasalukuyang bumabagtas sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Pahug, Pinabacdao ang relief convoy ng DSWD na ineeskortan ng tropa ng militar nang pagbabarilin ng mga armadong rebelde.
Masuwerte namang walang nasugatan sa mga empleyado ng DSWD na kabilang sa relief operation ng mangyari ang insidente.
Kinondena ni National Disaster Risk Reduction and Management Center (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama at ng AFP ang insidente dahilan ang nasabing mga relief goods na ineeskortan ng tropa ng militar ay para sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Nona.
Ang Eastern Visayas kabilang ang Samar ay nasa talaan ng mga lalawigang grabeng sinalanta ng kalamidad.
- Latest