Poe mahihirapan na mabaligtad ang desisyon ng Comelec-legal experts
MANILA, Philippines – Nagkaisa ang opinyon ng tatlong legal experts sa pagsasabing mahihirapan si Senator Grace Poe na baligtarin ang naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) kung saan siya diniskuwalipika sa pagtakbo nito sa 2016 elections.
Ayon kay election lawyer Romulo Macalintal may basehan ang naging desisyon ng Comelec 2nd Division lalo pa’t inamin ni Poe anim na taon at anim na buwan pa lamang siyang naninirahan sa Pilipinas nang siya ay maghain ng kanyang certificate of candidacy noong May 2013 elections.
Hindi naman nakikita ni litigation lawyer Raymond Fortun na babaligtarin nina Comelec Commissioners Al Parreno, Arthur Lim, at Sheriff Abas na pawang mga miyembro ng Second Division ang diskuwalipikasyon.
Ayon naman kay poll lawyer Carlo Vistan na ang COC ni Poe noong 2013 ay maituturing na “admission against her interest” kaya’t imposible na nitong mabaligtad ang desisyon ng Comelec 2nd division.
Sa ruling ng Comelec, pinaboran nito ang petisyon ni Atty.Estrella Elamparo na nagkukuwestiyon sa residency ni Poe at nagsasabing hindi pa nito nakukuha ang kanyang 10-year residency na isinasaad ng Constitution para sa isang presidential candidate.
Ayon pa sa tatlong legal experts na kailangan ni Poe na maglabas ng bagong ebidensiya upang makumbinsi ang Comelec en banc upang mabaligtad ang desisyon.
- Latest