Report ng BOI sa Mamasapano clash ilalabas ngayon
MANILA, Philippines - Ngayong araw ay ilalabas ng Board of Inquiry (BOI) ang kanilang ulat sa Mamasapano clash upang malaman ng sambayanan ang katotohanan at may managot sa nasabing insidente.
Ayon kay BOI Chairman Benjamin Magalong, Director of the Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na isusumite nila ang report kay Interior and Local Government Secretay Mar Roxas at Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Deputy Director General Leonardo Espina, alinsunod na itinakdang deadline ng binuong investigating body.
Ayon kay Roxas, agad niyang isusumite ang isang kopya ng report sa Pangulo gayundin sa investigating bodies tulad ng Senado at ng House of Representatives.
Binigyang diin ni Roxas ang limang katanungan na inaasahan niya at ng publiko na masagot sa report tulad ng (1) Matino ba ang plano? (2) ginawa ba at nagawa ba ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng ating mga tropa?; (3) nasunod ba ang atas at utos ng Pangulo?; (4) meron ba, at kung meron nga, ano ang partisipasyon ng mga Amerikano sa operasyong ito?; at (5), sa kagamitan, gumana ba ng maayos ang mga radyo, vest, baril, at bala ng ating mga tropa?
Samantala, nakahanda ang Malacañang na kasuhan ang sinumang matutukoy sa Mamasapano report ng Senado.
Ito ang tiniyak ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. kahapon bilang tugon sa inaasahang paglalabas ng Mamasapano report ng Senado sa pamumuno ni Sen. Grace Poe.
Naunang sinabi ni Sen. Poe noong Biyernes na kabilang ang Office of the President (OP) sa kanilang report partikular ang ginawa at hindi ginawa ni Pangulong Benigno Aquino III ng mabatid ang ukol sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF troopers noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
- Latest