NCRPO pupuksain ang mga pulis- ‘anay’
MANILA, Philippines – Nagbabala si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Carmelo Valmoria na pupuksain nila ang mga tinaguriang “anay” sa kanilang hanay o yung mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng illegal na droga, gambling at iba pang illegal na gawain.
Ayon kay Valmoria hindi siya magdadalawang isip na kasuhan at tanggalin sa serbisyo ang sino mang pulis na sangkot sa illegal na gawain.
Pinayuhan ni Valmoria ang mga pulis-anay na hubarin na ang kanilang uniporme at umalis na sa serbisyo dahil nadadamay at nasisira ang organisasyon sa kanilang bugok na gawain.
Idinagdag pa ni Valmoria na siya ay may listahan na ng mga anay na pulis na target nilang masawata ito at patuloy ang kanilang paghahanap ng ebidensiya para tuluyan nang makasuhan at mawala na ang mga ito sa serbisyo.
Ilan dito ay ang 15 pulis-Maynila na sinibak sa kanilang puwesto matapos na mahulihan na itinatago sa kanilang locker ang nasa 5 kilo ng shabu, 3 pulis-Pasay na nangholdap ng P1 milyon sa isang messenger ay unang masasampulan ng NCRPO na masibak sa serbisyo.
Hindi na binanggit ni Valmoria ang eksaktong bilang ng mga pulis-anay na target nilang matanggal sa organisasyon ng PNP.
Simula nang manungkulan bilang hepe ng NCRPO noong Disyembre ng nakalipas na taon ay nasa 180 pulis-anay na ang nasibak.
Kung mabilis anya, ang kanilang pag-aksyon sa mga pulis-anay ay mabilis din silang nagbibigay ng mga gantimpala sa 26,000 pulis na matino na tinutupad ang kanilang tungkulin.
- Latest