Solon: MRT kulang sa maintenance kaya nadidiskaril
MANILA, Philippines - Maiiwasan sana ang pagkakadiskaril ng isang tren ng Metro Rail Transit (MRT) kung hindi binalewala ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at pamunuan ng MRT ang babala ng Kongreso na ang MRT ay may isang aksidenteng naghihintay na mangyari.
Ayon kay ABAKADA partylist Rep. Jonathan Dela Cruz na hindi umano pinakinggan ng nasabing dalawang ahensiya ang pagkuwestyon ng Kongreso tungkol sa dalawang beses na paglipat ng kontrata sa pagpapatakbo at maintenance para sa mga tren.
Una ay mula sa Sumitomo Corporation ay napunta ang P57-milyong buwanang kontrata sa isang kumpanyang itinatag ng mga kamag-anak na noo’y general manager na si Al Vitangcol. Inilipat ulit ito kinalaunan sa isang kumpanyang may kaugnayan din sa naturang grupo.
Nanawagan si Dela Cruz para sa isang agaran at masusing inspeksyon ng lahat ng tren ng MRT upang matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay at maimbestigahan din ang kontrata lalo sa maintenance.
Dapat din anyang magpaliwanag ang mga opisyales ng DOTC at MRT kung bakit mula sa mahigit 70 ay bumaba na sa mahigit 40 na lamang ang bilang ng mga tren na tumatakbo sa nakalipas na apat na taon.
- Latest