Min inangkin ika-2 stage win
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines — Nagsumite si Min Kyeong Ho ng Seoul Cycling Team ng tiyempong 25 minuto at 39 segundo para banderahan ang 20km Individual Time Trial (ITT) Stage 13 ng MPTC Tour of Luzon 2026 kahapon dito.
Ito ang ikalawang stage win ng South Korean cyclist matapos magwagi sa Tuguegarao-Pagudpud Stage 6.
“I’m proud of myself and I’m proud of my team and I’m very happy with my performance and my team’s performance,” sabi ng 29-anyos na si Min na kasama ng Seoul Cycling Team sa paghahari sa Stage 2 Team Time Trial sa New Clark City Athletics Stadium.
Idinagdag ng Tour of Korea champion na babalik sila sa susunod na taon para muling sumabak sa MPTC Tour of Luzon.
Tinalo ni Min sa ITT sina overall leader Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle at Joseph Javiniar ng Excellent Noodles na may 22 at 30 segundo ang agwat, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, patuloy ang pagbandera ng yellow jersey owner na si Shulchenko sa Individual General Classification ng 14-stage, 1,821.1km race na opisyal na magtatapos ngayong umaga sa Baguio City.
Naglista ang 26-anyos na si Shulchenko ng 36:42:22 kasunod sina two lap winner Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (-0:03:50) at Stage One king Yousef Ibrahiem Alrefai ng LCW-UAE (-0:0:37).
Nasa Top 10 din sina No. 4 Nash Lim ng MPTD (-0:08:05), No. 5 Mervin Corpuz ng 7-Eleven (-0:08:54), No. 6 Muhammad Syawal Mazlin ng Malaysia National Team (-0:09:26), No. 7 Ronnilan Quita ng 7-Eleven (-0:09:46), No. 8 Rustom Lim ng MPTD (-0:12:19), No. 9 Jung Woo Ho ng Seoul Cycling Team (-0:13:30) at No. 10 Rench Michael Bondoc ng Go for Gold (-0:13:54).
Bumabandera pa rin ang 7-Eleven sa Team General Classification sa kanilang 144:25:51.
Papadyak ngayong umaga ang Stage 14 77.8km route na magsisimula rito sa Pangasinan Provincial Capitol at magtatapos sa Camp John Hay sa Baguio City.
- Latest






















