2nd stage win ni Huby

MANGATAREM, Pangasinan — Inangkin ni Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines ang kanyang ikalawang stage win sa MPTC Tour of Luzon 2026 matapos dominahin ang 146.4-kilometer Stage 12 kahapon dito.
Nagtala ang French cyclist ng tatlong oras, 17 minuto at 37 segundo para pagharian ang nasabing yugto na binitawan sa Eagle of the North sa Agoo, La Union at nagtapos sa Daang Kalikasan Mangatarem View Deck.
Inungusan ni Huby sina overall leader Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle (-0:01:20) at Erickson delos Santos ng D’Reyna Orion Cement (-0:01:41).
Ito ang ikalawang stage win ng 25-anyos na si Huby matapos pagharian ang 124.2-kilometer Stage 10 sa Bessang Pass sa Cervantes, Ilocos Sur sa nasabing 1,821.1-kilometer, 14-stage race.
“My legs were really out today. I just go with my hands until the finish line because my legs say, you need to stop but I just continue for my teammates,” wika ni Huby.
Sa pag-ahon sa Mangatarem ay nabuwag ang isang seven-man breakaway group na nagresulta sa pag-eskapo nina Huby at Shulchenko.
Sa huling 400 kilometro ay tuluyan nang nakawala ang French cyclist para solong tawirin ang finish line kasunod sina Shulchenko at delos Santos.
Nangu-nguna pa rin ang 26-an-yos na si Shulchenko sa Individual General Classification sa oras na 36:16:21 kasunod sina Huby (-0-02:30), Stage One king Yousef Ibrahiem Alrefai ng LCW-UAE (-0:04:29), habang laglag si Mervin Corpuz ng 7-Eleven (-0:08:00) sa No. 7 spot. Nasa No. 22 place si 2025 edition ruler Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team (-0:20:53).
Ang 7-Eleven pa rin ang nasa itaas ng Team General Classification sa kanilang 144:25:51 kasunod ang Go for Gold (-0:05:00) at Standard Insurance Philippines (-0:17:35).
Pakakawalan ngayong umaga ang 20km Individual Time Trial (ITT) Stage 13 sa Lingayen kung saan maaaring mabago ang General Classification (GC) standings bago ang panapos na 177.8km Stage 14 sa Baguio City bukas.
“Tomorrow (ngayon) it’s a ITT stage and I tell you it’s really hard for me,” sabi ni Huby. “I don’t know, I do my best but I don’t know for the moment. We’ll see.”
Umaasa naman si delos Santos na tuluyan na niyang makukuha ang inaasam na stage win.
“Inisip ko lang talaga is manalo. Ang target ko lang talaga si Huby at iyong yellow jersey ni Nikita (Shulchenko),” ani ng D’Reyna rider.
- Latest


















