Cambodia aabangan ng Gilas sa 2025 SEAG
MANILA, Philippines — Limang American naturalized players ang ipinarada ng Cambodia sa 32nd Southeast Asian Games noong 2023 sa Phnom Penh na pinagharian ng Gilas Pilipinas.
Inaasahan ni coach Norman Black na lalong nagpalakas ang Cambodia pati ang Indonesia para maagaw sa Pilipinas ang korona sa 33rd SEA Games sa Thailand sa Disyembre.
“We are thinking that may happen again when the teams may just hire imports to come and play for their country,” babala ni Black.
“We have to be prepared for that. That’s why we need the strongest possible team and most balanced team we can have,” dagdag ng 67-anyos na one-time PBA Grand Slam champion.
Kasalukuyan pang kinukumpleto ni Black ang Gilas Pilipinas roster para sa pagdedepensa sa titulo sa Thailand SEA Games na nakatakda sa Disyembre 8 hanggang 20.
Swak na sa tropa sina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame kasama sina Ray Ray Parks Jr., Matthew Wright, Remy Martin, Dave Ildefonso, Jason Brickman at collegiate standout Veejay Pre.
Si Black ang gumiya sa Philippine team na binanderahan nina Greg Slaughter, Kiefer Ravena, Chris Tiu at Parks sa paghahari sa 2011 SEA Games sa Jakarta.
Kinakausap pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang UAAP at NCAA para makahiram ng mga malalaking players.
Hindi kasama sa iskedyul ng orihinal na Gilas Pilipinas pool ni coach Tim Cone ang paglahok sa SEA Games.
Matapos gulatin ng Indonesia noong 2021 sa gold medal round sa Hanoi, Vietnam ay nabawi ng Gilas ang korona noong 2023 sa Cambodia.
- Latest

















