Mondo inaabangan ang kumpirmasyon
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang World Pole Vault Challenge na lalahukan ng mahuhusay na atleta mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Idaraos ito sa Setyembre 21 sa Ayala Triangle Gardens sa Makati.
Subalit inaabangan ng lahat kung darating si reigning world champion, Olympic gold medalist, world record holder at Olympic record holder Armand Duplantis ng Sweden.
Wala pa ang pangalan ni Duplantis sa unang batch ng mga atletang sasabak sa naturang world pole vault challenge.
Kaya naman hinihintay na ng lahat kung magkakaroon ng kumpirmasyon ang pagdating ni Duplantis sa bansa para lumahok sa torneo.
Sa kasalukuyan, may ilang kilalang personalidad na ang kumpirmadong lalahok.
Nangunguna na sa listahan si Menno Vloon ng Netherlands na kasalukuyang nasa No. 7 sa world ranking ng International Athletics Association Federation.
Kamakailan lamang ay nasungkit ni Vloon ang European Indoor gold medal.
Masisilayan din sa aksyon sina American pole vaulters Austin Miller at Matt Ludwig.
Si Miller ay US champion at nasa No. 14 sa world ranking habang nasa No. 25 naman si Ludwig.
Kakasa rin si Asian champion at two-time Olympian EJ Obiena sa naturang torneo.
Umaasa si Obiena na marami pang lalahok sa torneo dahil gaganapin ito matapos ang World Athletics Championships na nakatakda sa Setyembre 13 hanggang 21 sa Japan.
Kasama na si Duplantis na hanggang sa mga oras na ito ay wala pang kumpirmasyon.
Hindi matibag si Duplantis sa No. 1 spot sa world ranking.
Kamakailan lamang ay muling gumawa ng bagong world record si Duplantis nang magsumite ito ng 6.29m sa Gyulai Istvan Memorial sa Budapest, Hungary.
Orihinal sanang idaraos ang naturang Makati event noong 2024 subalit inilipat ito sa taong ito para mas lalo pa itong mapaghandaan.
- Latest
















