Civics Class, Treasure Hunting sasali sa Cojuangco Cup
MANILA, Philippines — Paparada sa pista ang Civics Class at Treasure Hunting para kasahan ang mga tigasing kalahok sa Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup na ilalarga sa Linggo sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
May kahabaan ang karera kung saan ang distansya ay 2,000 metro.
Makakatagisan ng bilis ng Civics Class at Treasure Hunting ang Righteous Ruby, In The Zone, Shastaloo at Speed Fantasy.
Kilalang mahuhusay na kabayo ang Civics Class at Treasure Hunting pero tiyak na mapapalaban ang dalawa sa Righteous Ruby at In The Zone sa event na nakalaan ang P5 milyong guaranteed prize.
Tiyak na puspusan ang paghahanda ng mga nagsaad ng pagsali dahil kukubrahin ng mananalong kabayo ang tumataginting na P3 milyon sa event na inaalay kay Cojuangco.
Mag-uuwi rin ng P1,125,000 ang second placer, habang P625,000 at P250,000 ang makukuha ng third at fourth finishers, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa nasabing stakes race ay inaasahang may inihandang balanseng karera ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
- Latest