McClung, Herro wagi sa NBA All-Star events
SAN FRANCISCO — Muling pinagharian ni GLeague star Mac McClung ang Slam Dunk Contest habang hinirang si Tyler Herro ng Miami Heat bilang bagong Three-Point Shootout king sa 2025 NBA All-Star.
Niliparan ng 6-foot-2 na si McClung ang isang kotse at tatlong tao sa kanyang mga dunks na nakakuha ng mga perfect 50-point judges’ scores sa first at final round.
Si McClung ang kauna-unahang NBA dunk contest ‘three-peat’ champion at pinantayan ang tatlong koronang nakamit ni Nate Robinson na nanalo noong 2006, 2009 at 2010.
Tinalo ni McClung si Stephon Castle ng San Antonio Spurs sa final round.
Sibak sa first round sina Matas Buzelis ng Chicago Bulls at Andre Jackson Jr. ng Milwaukee Bucks.
Wagi naman si Herro kay Golden State Warriors shooter Buddy Hield, 24-23, sa finals ng Three-Point Shootout.
Bigo si Damian Lillard ng Bucks na maidepensa ang kanyang korona.
Sa All-Star Skills Challenge, tinalo nina Cleveland Cavaliers duo Donovan Mitchell at Evan Mobley sina Draymond Green at Moses Moody ng Warriors.
- Latest