Tropang Giga nais makatabla
MANILA, Philippines — Isa sa naging susi sa 21-point win ng TNT Tropang Giga sa Game Three noong Biyernes ay ang paglimita ni guard Simon Enciso kay BarangayGinebra playmaker Stanley Pringle.
Tumapos lamang si Pringle na may 11 points mula sa malamyang 4-of-11 fieldgoal shooting para sa Gin Kings habang nagtala naman si Enciso ng 14 markers tampok ang apat na three-point shots sa panig ng Tropang Giga.
“Simon has been really playing well especially on defense,” ani head coach Bong Ravena. “Iyon ang pinaka-role niya eh. Siya mismo ‘yung nagsabi na siya ang magbabantay kay Stanley.”
Pipilitin ng TNT na maitabla sa 2-2 ang kanilang championship series ng Ginebra ngayong alas-6 ng gabi sa Game Four ng 2020 PBA Philippine Cup Finals sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Binugbog ng Tropang Giga ang Gin Kings sa Game Three, 88-67 bagama’t hindi naglaro si Ray Ray Parks, Jr. sa ikalawang sunod na pagkakataon dahil sa strained left calf injury para idikit sa 1-2 ang kanilang best-of-seven title duel.
“We have to be consistent on defense. Hindi lang namin napa-score si Stanley, malaking bagay na agad iyon,” sabi ni Ravena.
Aminado naman si Ginebra mentor Tim Cone na masyadong napagod ang kanyang koponan sa 92-90 paglusot sa Game Two kung saan kinailangan nilang bumangon mula sa 15-point deficit sa third period.
“The game before this one, it took a lot out of us,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion coach. “You took so much effort to win the game before or in this case, the two games before.”
Puntirya pa rin ng Gin Kings na makalapit sa kanilang inaasam na ika-13 korona at unang All-Filipino tournament title sapul noong 2007.
- Latest