Gilas susubukan ang Lebanon sa Doha meet
MANILA, Philippines — Muling haharap sa pagsubok ang Gilas Pilipinas sa pagsagupa nito sa Lebanon sa second day ng 2nd International Friendly Basketball Championship ngayong gabi sa Doha, Qatar.
Nakatakda ang paghaharap ng Gilas Pilipinas at Lebanon sa alas-6 ng gabi (alas-11 ng gabi sa Maynila) sa Qatar University Sports Complex.
Una nang nakalaban ng Pinoy squad ang host Qatar kaninang ala-1:30 ng madaling araw (oras sa Maynila).
Sunud-sunod ang laban ng Gilas Pilipinas sa Doha meet.
Ngunit magandang pagsubok ito para sa Gilas Pilipinas upang mabilis na makapag-adjust at makarekober ang kanilang katawan sa oras na sumalang ito sa mas importanteng mga laban sa FIBA Asia Cup Qualifiers.
Dalawang sunod na laban din ang haharapin ng Gilas Pilipinas sa qualifiers — sa magkahiwalay na venues pa.
Una na ang Chinese-Taipei sa Pebrero 20 sa Taipei, Taiwan at ang New Zealand sa Pebrero 23 sa Auckland, New Zealand.
Kaya naman umaasa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na makatutulong ang Doha tournament para mas lalo pang mabuo ang chemistry ng kaniyang tropa lalo pa’t kakababalik lamang nito sa sama-samang ensayo.
- Latest