Blaze Spikers sinunog ang F2 Cargo Movers
MANILA, Philippines — Pinatunayan ng Petron kung bakit isa sila sa mga dapat bantayan sa torneo.
Magarbong sinimulan ng Blaze Spikers ang kanilang kampanya sa 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference nang walisin ang nagdedepensang F2 Logistics Cargo Movers, 25-22, 25-23, 25-18, kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Bumandera para sa Petron si Sisi Rondina na nagrehistro ng 17 points sa likod ng 15 attacks, habang nag-ambag ng 16 markers si Aiza Maizo-Pontillas.
“Sobrang ganda ng inilaro ng team, but of course in-expect namin na talagang pipitpit ‘yung kalaban namin,” ani Blaze Spikers head coach Shaq delos Santos. “Kasi knowing them, sabi ko nga sa kanila alam natin ‘yung quality niyan kahit lumamang tayo pipilitin nilang mahabol tayo hanggang sa maipanalo nila iyan.”
Simula pa lang ay uminit na agad ang 2018 runner-up nang iposte ang 23-13 bentahe sa first set bago nakadikit ang Cargo Movers sa 22-24.
Ang crosscourt attack ni Ces Molina ang tumapos sa laro.
Dire-diretso na ang Petron ang kanilang dominasyon sa sumunod na dalawang sets at hindi na pinayagang makakuha ng momentum ang F2 Logistics.
Naging mainit naman ang pagbabalik ni Gretchel Soltones at inakay ang PLDT Home Fibr Power Hitters sa 25-19, 25-19, 25-13 panalo kontra sa Sta. Lucia Lady Realtors.
Kumubra ang dating San Sebastian standout ng 12 points mula sa 8 attacks, 3 aces at 1 block para sa Power Hitters.
- Latest