Meralco, TNT Tropang Giga naghari sa PBA 2024 Season
MANILA, Philippines — Nagliwanag ang mga tore at lumakas ang signal para sa Meralco at Talk ‘N Text, ayon sa pagkakasunod, matapos pagharian ang dalawang conferences ng PBA.
Sa isang pambihirang pagkakataon ay nagsalo sa trono ang sister teams na Meralco Bolts at TNT Tropang Giga kontra sa magkapatid ding karibal para maging bida ng PBA sa 2024.
Inagaw ng Meralco ang korona ng San Miguel Beer sa Philippine Cup habang nakaulit ng tagumpay ang TNT sa crowd favorite na Barangay Ginebra sa Governors’ Cup sakay ng parehong 4-2 finals series win.
Wagi ang Bolts ng kanilang kauna-unahang PBA championship sa likod ng pamamayani ni Chris Newsome, na ibinuslo ang title-winning jumper sa 80-78 panalo ng Meralco sa Game 6 noong Hunyo.
Bunsod nito ay nakasama na rin sa wakas sa listahan ng PBA champions ang koponan ni sports patron at PLDT chief Manny V. Pangilinan matapos ang 14 taon simula nang pumasok sa PBA noong 2010.
Bumida para sa mga bataan ni head coach Luigi Trillo, na naselyuhan ang kanyang ikalawang PBA title, at consultant Nenad Vucinic ang Gilas Pilipinas standout na si Newsome na isinukbit ang Finals MVP plum.
Nag-rehistro siya ng 22.5 points, 5.3 rebounds at 4.5 assists sa anim na laro para trangkuhan ang pagsibak ng Bolts sa Beermen mula sa trono nito.
At sinundan agad ng TNT ang Meralco para sa dominasyon ng MVP teams sa PBA.
Sa pangunguna ni Rondae Hollis-Jefferson, muling pinanis ng Tropang Giga ang Gin Kings sa finals ng Governors’ Cup sa likod ng pambihirang comeback win, 95-85, sa Game 6 nitong Nobyembre.
Bumalikwas ang TNT mula sa 57-68 deficit sa second half, kabilang na ang 66-74 pagkakaiwan sa simula ng fourth quarter, upang masungkit ang kanilang ika-10 titulo.
Ito na rin ang ika-10 titulo ni head coach Chot Reyes upang maging ika-4 na coach pa lang sa kasaysayan na nakapagwagi ng 10 o higit na titulo kasama sina Tim Cone (25), Baby Dalupan (15) at Norman Black (11).
Tinanghal na back-to-back Best Import si Hollis-Jefferson na 2-0 na rin kay resident Ginebra import at Gilas naturalized player na si Justin Brownlee sa PBA Finals.
Kumamada si Jefferson ng 28.0 points, 12.9 rebounds at 6.4 assists sahog pa ang league-bests na 2.9 steals and 1.9 blocks upang makatambal ang Finals MVP na si Jayson Castro
Kalabaw lang ang tumatanda para kay Castro na nag-rehistro ng 10.3 puntos, 3.0 rebounds at 5.1 assists para sa kanyang ika-9 na PBA title at ika-3 Finals MVP.
Hindi naman nagpahuli si June Mar Fajardo ng SMB na ginabayan ang SMB sa PBA Commissioner’s Cup title sa simula ng taon upang maibulsa ang ika-8 Season MVP at ika-11 na Best Player of the Conference awards.
Dagdag lang ito sa rekord ni Fajardo, na siyang itinuturing na Grea-test of All Time, hawak ng pinakamaraming individual awards sahog pa ang 10 na championships at 4 na Finals MVP sa kasaysayan ng PBA.
Samantala, umukit din sa PBA ang kontrobersiya ni NorthPort guard John Amores matapos masangkot sa barilan sa Laguna na dahilan ng kanyang suspensyon sa PBA at kalaunan ay pagkakatanggal ng lisensya ng Games and Amusements Board (GAB) bilang professional player.
- Latest