Nicolas nag-uwi ng korona sa Poland tilt
MANILA, Philippines — Bago natapos ang 2024 ay nakapagtala ng importanteng panalo si National Master Nika Juris Nicolas dahil nakopo nito ang korona sa 35th International Chess Festival noong Linggo na nilaro sa Galaxy Hotel sa Krakow, Poland.
Nangibabaw sa Open Under 1800 category ang Grade 7 student sa Victory Christian International School sa Pasig City na si Nicolas (Elo 1635) matapos ilista ang undefeated record na 6 wins at 1 draw para itaas ang kanyang kabuuang 6.5 points sa seven round swiss system.
Dahil sa tagumpay, umangat ng 86 puntos ang FIDE rating ni Nicolas, may Performance rating itong 2017.
Kinaldag ni Nicolas (Standard Elo rating na 1635) sina Kacper Mi?so ng Poland (1400), Mateusz Waszkiewicz ng Poland (1402) at Artem Sokolvak ng Ukraine (1000) sa una at tatlong round, ayon sa pagkakasunod.
Nakalsuhan ang three-match winning streak ni Nicolas nang matablahan siya ni Filip Korda ng Poland (1725) sa ika-apat na round.
Pagkatapos ay pinisak niya sina Arkadiusz Piwowarczyk ng Poland (1779), Nikita Alexeev ng Ukraine (1697) at Ali Asgarzada ng Azerbaijan (1653) sa ikalima, ikaanim at pitong round, sa pagkakasunod.
Si Rafal Skalny ng Poland at kababayang si Filip Korda ang pumangalawa at pangatlo na may magkaparehong 5.5 puntos.
- Latest