2 Pinoy pugs pasok sa semis
MANILA, Philippines — Lumilipad pa ang bandila ng Pilipinas matapos umentra sa semis ang dalawang Pinoy pugs sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Nagmartsa sa semis si Ian Clark Bautista makaraang makuha ang 3-2 split decision win laban kay Kharkhuu Enkh-Amar ng Mongolia sa quarterfinals ng men’s bantamweight (56 kg.) division.
Ibinigay ng Thai, North Korean at Latvian judges ang pare-parehong 29-27 puntos para kay Bautista habang nakuha ng Mongolian bet ang boto ng mga hurado mula sa Romania (29-27) at Australia (30-26).
Mapapalaban si Bautista sa semis dahil makakasagupa nito si Butdee Chatchai-Decha ng host Thailand na nagsumite ng 4-1 panalo laban kay Chen Zhihao ng China sa hiwalay na quarterfinal bout.
Patuloy naman ang matikas na ratsada ni 2014 World Championships silver medallist Nesthy Petecio na nagsumite ng 5-0 unanimous decision win laban kay Won Un Gyong ng North Korea sa women’s fea-therweight (57 kg.).
Daraan sa matinding pagsubok si Petecio sa semis sa pagharap nito kay 2015 Asian Championships gold medallist Peamwilai Laopeam ng Thailand na nagrehistro ng 5-0 unanimous decision win kay Jenifer Fernandez Romero ng Spain.
Naputol ang winning streak ni Southeast Asian Games gold champion John Marvin matapos umani ng dikit na 2-3 split decision loss kay Zhang Jilei ng China sa men’s flyweight (52 kg.).
Sa pagpasok sa semis, sigurado na sina Bautista at Petecio ng tansong medalya at tig-$500 habang hindi naman uuwi ng luhaan si Marvin dahil mayroon itong $300 konsolasyon.
- Latest