Gilas women’s 3x3 yuko sa China
MANILA, Philippines – Napatid na ang Cinde-rella run ng Gilas Pilipinas 3x3 U18 women’s squad matapos yumukod sa paboritong China, 12-21 sa quarterfinals ng 2019 FIBA 3x3 U18 World Cup kahapon ng tanghali sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Umalagwa ang China, No. 1 3x3 U18 women’s team sa buong mundo, hanggang 7-1 sa pagbibida ni Zhouze He.
Subalit hindi agad bumitiw ang Pinas nang magising na ito sa wakas at magpakawala ng 11-5 ratsada upang lumapit sa hanggang 12-15, lagpas isang minuto pa sa orasan.
Iyon na ang huling sigaw ng mga Pinay nang bumalikwas ng 6-0 birada ang China tungo sa tagumpay na tuluyang tumapos sa magilas na kampanya ng Pinas.
Nagbuslo ng game-high na 12 puntos si He para sa China na winalis ang Mexico, Ukraine, Egypt at Sri Lanka sa Pool A upang makaabante sa quarterfinals kung saan nga nila dinaig ang Gilas.
Nag-ambag naman sina Bei Liu at Xianglin Wu ng anim at tatlong puntos, ayon sa pagkakasunod para sa China na kakaharapin sa semi-finals ang mananalo sa New Zealand at Japan na naglalaban pa habang isinusulat ang ulat na ito.
Hindi nagkasya ang apat na markers ni NU stalwart Angel Surada gayundin ang tig-tatlong puntos nina Karl Pingol ng Chiang Kai Shek College at Canada-based guard na si Ella Fajardo.
Nasayang din ang dalawang puntos ni Camille Clarin, tubong New Jersey, para sa underdog Gilas na sinilat ang home team na Mongolia, Netherlands at Czech Republic.
- Latest






















