Ginobili iniligtas ang Spurs
SAN ANTONIO — Nagsisigaw si assistant coach Ettore Messina sa Spurs, habang gustung-gusto naman ito ni Manu Ginobili.
Bago si Gregg Popovich ay naglaro muna si Ginobili sa Italy para kay Messina, at noong Linggo ay nagbigay ang 40-anyos na veteran guard ng isang throwback performance.
Umiskor si Ginobili ng 10 sa kanyang 16 points sa fourth quarter para banderahan ang Spurs sa 103-90 panalo laban sa Golden State Warriors sa Game Four.
Nakaiwas ang San Antonio sa tangkang series sweep sa kanila ng Golden State.
Ito ang ikalawang laro na hindi nakita sa bench ng Spurs si Popovich matapos ang pagkamatay ng kanyang asawang si Erin.
“For moments when he talks to the rest of the team, or when he gets upset and he yells at us, a lot of flashbacks,” sabi ni Ginobili.
Naglaro si Ginobili para kay Messina sa Virtus Bologna sa European League noong 2000-02.
Nagtala naman si Kevin Durant ng 34 points at 13 rebounds para sa Warriors, muling pipiliting tapusin ang first-round playoff series nila ng Spurs sa Game Five sa Oakland sa Miyerkules (Manila time).
Humakot si LaMarcus Aldridge ng 22 points at 10 rebounds para sa San Antonio.
Sa Indianapolis, nagsanib-puwersa sina LeBron James at Kyle Korver sa pinakawalang 10-2 atake ng Cleveland Cavaliers para kunin ang 104-100 panalo laban sa Indiana Pacers at itabla sa 2-2 ang kanilang first-round playoff series.
Tumapos si James na may 32 points, 13 rebounds, 7 assists at ipinoste ang ika-100 career playoff game na nakaiskor siya ng higit sa 30 points, ang ikalawang all-time matapos si Michael Jordan.
Sa Washington, nanguna si John Wall sa dulo ng final canto matapos ma-foul out si Bradley Beal para tulungan ang Wizards sa 106-98 paggupo sa Toronto Raptors at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Humugot si Wall ng 10 sa huling 14 points ng Washington sa fourth quarter para tumapos na may 27 points at 14 assists, habang umiskor si Beal ng 31 markers laban sa Toronto.
Kumolekta si DeMar DeRozan ng 35 points, 6 assists at 6 rebounds, habang naglista si Kyle Lowry ng 19 markers sa panig ng Raptors.
Sa Milwaukee, nagposte si star center Giannis Antetokounmpo ng 27 points para ihatid ang Bucks sa 104-102 pagtakas laban sa Boston Celtics at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Nag-ambag naman si forward Khris Middleton ng 23 points para sa Milwaukee.
- Latest