28 ipinagbabawal na paputok inihayag ng PNP
MANILA, Philippines — Inilabas na ng pulisya ang opisyal na listahan ng mga ipinagbabawal na pailaw at paputok na naglalayong maiwasan ang aksidente at masiguro ang kaligtasan ng publiko sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa report na inilabas ng Police Regional Office 3 (PRO3), ipinagbabawal ang watusi, piccolo, poppop, five star (big), pla-pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, special, atomic bomb, atomic triangle, large-size Judas belt, goodbye delima, hello Columbia, goodbye napoles, super yolanda, mother rockets, kingkong, kwiton, super lolo, goodbye bading, goodbye Philippines, bin laden, coke-in-can, pillbox, kabasi, tuna at goodbye chismosa.
Ayon kay PRO3 regional director, PBrig. Gen. Redrico Maranan, ang mahigpit na pagbabawal sa mga nasabing paputok ay bahagi ng kampanya ng pulisya upang maiwasan ang pinsalang dulot ng maling paggamit kabilang ang sunog, pagkasugat at pagkasawi.
“Mahalaga ang ating kaligtasan, Lalo na sa panahon ng pagdiriwang. Hinihikiyat namin ang publiko na huwag gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok at ipagdiwang ang Bagong Taon sa pamamagitan ng mas mapayapa at ligtas na pamamaraan.Isaisip natin ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay,” anang heneral
Sinasabing ang lahat na mahuhuling lumalabag ay mahaharap sa kaukulang parusa alinsunod sa batas.
- Latest