Justine Bieber sasamahan si Mayweather sa stage
MANILA, Philippines – Sa press conference para sa opisyal na paghahayag ng laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. ay sumingit sa kuhanan ng litrato si singer Justine Bieber.
Ngayon naman ay makakasama si Bieber sa paggabay kay Mayweather sa pag-entra nito sa boxing ring sa Mayo 2 para sa mega showdown nila ni Pacquiao sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa isang ambush interview ng TMZ, kinumpirma ng Canadian pop star na sasamahan niya si Mayweather para sa ring entrance nito sa venue.
“Yes, sir,” sagot ni Bieber nang tanungin siya kaugnay dito.
Sina Bieber at Mayweather ay kilalang magkasundo sa lahat ng bagay.
Pareho silang bumibili ng mga mamahaling kotse, eroplano at alahas.
Ilang beses na ring naaresto si Bieber dahil sa pagmamaneho ng lasing.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tatayong escort si Bieber ng kanyang kaibigang boksingero.
Noong 2013 ay nakasama ni Bieber si rapper Lil Wayne sa paghahatid nila kay Mayweather sa boxing stage para sa laban nito kay Mexican Saul “Canelo” Alvarez.
Dahil sa sinasabing pinakamalaking boxing event sa kasaysayan ay ayaw mawala sa eksena si Bieber.
Umagaw na ng eksena ang Canadian singer sa Pacquiao-Mayweather press conference nang banggain si Showtime executive vice president Stephen Espinoza sa photo ops.
Hindi nagalit si Espinoza sa ginawa ni Bieber at sa halip ay tinawanan lamang ito.
- Latest