Wala pa ring dungis ang Ateneo volleybelles
MANILA, Philippines – Nanatili ang mahusay na paglalaro nina Alyssa Valdez at Amy Ahomiro na sinabayan ng pagpapasikat din ni Michelle Mo-rente para hagipin ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles ang ika-12 sunod na panalo sa 25-18, 25-22, 25-22, panalo sa UST Tigresses sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May 21 hits, kasama ang 20 kills si Valdez kahit nakabenda ang kaliwang pulsuhan habang si Ahomiro ay may 12 puntos mula sa walong kills at tig-dalawang blocks at aces.
Hindi nagpahuli si Morente na starter sa laro nang maghatid ng 11 puntos bukod sa 11 digs para itala ang best record ng Ateneo sapul nang sumali sa liga.
Ang dating pinakamabangis na marka ng Lady Eagles ay 11-3 noong Season 74 at ang 12-0 karta ay nangahulugan na dalawang panalo na lamang ang kanilang kailangan para makumpleto ang sweep at umabante na sa Finals bitbit ang thrice-to-beat advantage kontra sa makakalaban.
Ikapitong sunod na pagkatalo ito ng UST sa Ateneo at bumaba sila sa ikalimang puwesto sa 5-7 baraha.
Nagkaroon ng pagkakataon na makaisa ang Tigresses nang hawakan ang 16-15 kalamangan sa ikatlong set ngunit namayagpag sina Valdez at Ahomiro sa net game habang may service ace si Morente para sa 6-0 bomba.
Wala ring hirap na nagwagi ang La Salle Lady Archers sa UE Lady Warriors, 25-6, 25-17, 25-17 para sa kanilang ikalimang sunod na panalo sa yugto at pumapangalawang 11-1 karta.
Samantala, tinalo ng Adamson Falcons ang UE Warriors, 25-16, 25-15, 25-20, bago nanalo rin ang nagdedepensang kampeong NU Bulldogs sa FEU Tamaraws, 25-13,25-23, 25-23, para makumpleto ang mga maglalaro sa Final Four sa men’s division.
Ang tagumpay ng NU sa FEU ang tumapos sa paghahabol ng Tamaraws (5-7) at UP Maroons (4-7) dahil ang best finish nila ay hanggang pitong panalo na lamang. (AT)
- Latest