NU niyanig ang La Salle
MANILA, Philippines — Masayang tinapos ng National University ang kanilang kampanya sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament makaraang pabagsakin ang defending champions De La Salle University, 63-54 kahapon na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion.
Tangan ang 5-9, tanging ang Bulldogs ang tumalo sa DLSU at last year’s runner-up University of the Philippines na nakapasok sa semifinals.
Nasa tuktok ng team standings ang Green Archers na may 12-2 karta habang pangalawa ang Fighting Maroons na tangan ang 9-3 baraha.
Ganadong maglaro ang Bulldogs, mabalasik na naglaro ang mga bataan ni head coach Jeff Napa kaya nakalsuhan nila ang nine- game winning streak ng DLSU.
Naging makulay din ang huling paglalaro nina Patrick Yu at Donn Lim bilang Bulldogs, nakatakda na silang humakbang sa susunod na yugto ng kanilang career.
“So happy sa mga players talaga na binigay nila yung best nila up to the last. See you next year. Ganon kasimple. Definitely, and hopefully, maging healthy kami talaga next year para at least maganda yung magiging performance namin,” ani Napa.
Nagbadyang makalapit ang Green Archers sa kalagitnaan ng fourth quarter matapos sumalpak si Nigerian slotman Henry Agunanne ng anim na puntos sa kanilang 8-2 run at tapyasin sa tatlo ang hinahabol, 50-53 may 4:38 minuto pa sa orasan.
Subalit hindi nagpabaya sina Jake Figueroa at PJ Palacielo, umiskor para sa NU upang ilayo muli ang bentahe, 61-52 may 1:13 minuto na lang ang nalalabi.
Nirehistro ni Palacielo ang 16 points at walong rebounds habang tumikada si Figueroa ng 14 markers at tatlong boards.
“Hindi kami nakapasok ng Final Four pero nakita ko buong season yung potential. Masaya rin ako kahit although, hindi kami nakapasok ng Final Four, pero yung remaining games namin ngayong second round, ginawa namin nang maayos at tinapos namin nang maayos,” ani Palacielo.
- Latest