Giannis nagpasabog ng 59 pts vs Pistons
MILWAUKEE — Nagbagsak si Giannis Antetokounmpo ng 59 points para banderahan ang Bucks sa 127-120 overtime victory laban sa bisitang Detroit Pistons.
Ito ang pinakamalaking puntos na itinala ng isang NBA player ngayong season at ang second-highest single-game total para kay Antetokounmpo na nauna nang bumira ng 64 markers laban sa Indiana Pacers sa nakalipas na season.
Nagposte rin si Antetokounmpo ng 14 rebounds at 7 assists para sa pagbangon ng Milwaukee (4-8) mula sa isang 18-point second-half deficit.
Tumipa si Brook Lopez ng 29 points para sa home team na naglaro na wala sina Damian Lillard (concussion protocol), Ryan Rollins (left shoulder instability) at Bobby Portis (right elbow contusion).
Pinamunuan ni Cade Cunningham ang Detroit (5-8) sa kanyang 35 points kasunod ang 26 markers ni Malik Beasley.
Sa Philadelphia, naglista si Donovan Mitchell ng 23 points sa 114-106 paggiba ng Cleveland Cavaliers sa 76ers (2-9) para maging ikaanim na tropa sa NBA history na nagtala ng 13-0 season start.
Sa San Antonio, kumamada si Victor Wembanyama ng career-high 50 points sa 139-130 panalo ng Spurs (6-6) sa Washington Wizards (2-8).
Sa Los Angeles, kumolekta si LeBron James ng 35 points, 14 assists at 12 rebounds para sa kanyang ikatlong sunod na triple-double sa 128-123 paggupo ng Lakers (7-4) sa Memphis Grizzlies (7-5).
- Latest