May laban pa rin ang Phl Team sa Chess Olympiad
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng NCFP official ang suporta at pagtitiwala sa ipadadalang men’s chess team para lumahok sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 14.
Sa pagbisita kahapon ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales sa PSA Forum sa Shakey’s Malate, sinabi niyang palaban pa rin ang men’s chess team kahit hindi maglalaro ang ngayon ay no. 12 sa mundo na si GM Wesley So.
“Malaki ang epekto sa atin ng pagkawala ni Wesley. Pero ang mga Filipino, hindi tayo agad na susuko at panghihinaan ng loob. We have a sense of nationalism, nagtutulungan tayo because may pagmamahal tayo sa ating bayan. Alam ng players, they have a sense of duty, kaya nakikita ko na lalaban pa rin tayo,” wika ni Gonzales.
Si So ay nagdesisyon na hindi sumama sa pambansang koponan dahil may kontrata siya na maging isa sa mga assistant coaches ng US Team na ipadadala sa Olympiad.
Nais na rin ni So na iwanan ang NCFP para sa US Chess Federation at ito ay ipinaalam na rin ng international body na FIDE sa NCFP sa isang kalatas na ipinadala noong nakaraang linggo.
“Hindi natin siya pinaalis, siya ang gustong umalis. At hindi rin tama ang sinasabi na noong nakaraang taon pa siya nagpaalam dahil last week lamang namin nakuha ang communication mula sa FIDE na sinasa-bihan ang NCFP na nais niyang magpalit ng federation,” paglilinaw pa ni Gonzales.
Si So ay naglaro sa apat na World Olympiad mula 2006 at sa huling tatlong edisyon ay hindi siya natalo sa Board One.
Kasama siya sa 2012 team sa Istanbul, Turkey at tinulungan niya ang bansa na tumapos sa ika-21st puwesto bitbit ang anim na panalo, dalawang tabla at tatlong talo.
Maglalaro sa Board two ang US based ding si GM Oliver Barbosa, si GM John Paul Gomez ang Board Three habang ang 63-anyos GM Eugene Torre na nanalo sa 2014 Battle of the GMs, ang Board four player. Alternate ang 16-anyos FIDE Master na si Paulo Ber-samina na pumangatlo sa Battle of the GMs. (AT)
- Latest