Ateneo, NU asam ang panalo
MANILA, Philippines - Palalakasin ng mga collegiate teams na Ateneo Lady Eagles at National University Lady Bulldogs ang paghahabol ng puwesto sa susunod na round sa pagbangga sa wala pang mga panalong UP Lady Maroons at PNP Lady Patrollers sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Parehong galing sa magkasunod na pagkatalo ang Lady Eagles at Lady Bulldogs para sa 1-2 karta at mahalagang maipanalo ang laro para lumaki ang agwat sa Lady Maroon at Lady Patrollers na hindi pa nananalo matapos ang apat na laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s katulong ang Accel at Mikasa.
Masasabing mas madali ang larong haharapin ng Ateneo sa alas-4 ng hapon dahil nakasukatan na nila ang UP sa mga laro nila sa UAAP.
Ang No. 1 scorer ng liga na si Alyssa Valdez ang siyang magdadala sa Lady Eagles.
Si Valdez ay gumawa ng 69 puntos, tampok ang 58 kills, matapos ang tatlong laro.
Si Jaja Santiago, may kabuuang 56 puntos sa liga, ang mamumuno sa NU sa kanilang laro sa PNP sa alas-2 ng hapon.
Ngunit kakailanganin ni Santiago ng suporta mula kina Myla Pablo at Siemens Desiree Dadang upang maigupo ang palabang PNP na ibabandera ng No. 2 scorer na si Frances Xinia Molina (may 58 kabuuang puntos).
Ang Army Lady Troopers (4-0) at PLDT Home Telpad Turbo Boosters (4-1) ang mga nakatiyak na ng puwesto sa quarterfinals.
Ang anim na mangungunang koponan ang papasok sa susunod na yugto.
- Latest