KAPA founder at 23 private army arestado, 2 patay sa raid
GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang founder ng Kabus Padatuon (KAPA) na si Joel Apolinario at 23 private army nito sa isinagawang joint operation ng pulisya na nauwi sa engkuwentro na ikinasawi ng dalawang katao sa mansyon ng una sa Lingig, Surigao del Sur kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Major Rennel Serrano, isinilbi ang search warrant at warrant of arrest laban kay Apolinario na lider ng KAPA investment scam ngunit nauwi sa barilan nang kumasa ang kanyang mga private army.
Nabatid na bandang alas-7:30 ng umaga nang isisilbi lang sana ng joint elements ang search warrant na inilabas Judge Cayalina Shineta Tare-Palacio kaugnay sa sinasabing paghawak o pag-iingat ni Apolinario ng maraming baril at sabay na ring isisilbi ang warrant of arrest nito para sa kasong syndicated estafa mula naman kay Judge Gil Bollozos ng Regional Trial Court Branch 21 sa Cagayan de Oro.
Dalawang tauhan ang hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ang bumulagta habang isa pa ang sugatan matapos ang umaatikabong sagupaan habang nadakip si Apolinario kasama ang kanyang 23 private army at nakumpiska ang matataas nilang armas kabilang ang tatlong 60 caliber machine gun, dalawang RPG rifle, isang caliber 50 sniper rifle, 30 unit ng M16 rifle, dalawang unit ng M4, Garand rifle, carbine, shotgun, limang caliber 45 pistol at mga live ammunitions ng iba’t iba pang kalibre ng baril.
Samantala, agad dadalhin sa korte sina Apolinario habang nagpatawag na ng press conference ang mga otoridad matapos ang matagumpay na pagkakadakip sa KAPA founder.
- Latest