Pagbabawal sa lalaking magkaangkas sa motor ipinatupad na
MANILA, Philippines - Umabot na sa mahigit 50 motorista ang nasakote ng mga tauhan ng lungsod ng Mandaluyong sa unang araw ng pagpapatupad ng bagong ordinansa laban sa magkaangkas sa motor.
Ipinatupad kaninang Huwebes ng madaling araw ang Mandaluyong City Ordinance 550 o ang nagbabawal sa mga naka motorsiklo na may kaangkas na lalaki, maliban sa ama ng nagmamaneho.
Bukod sa amang kaangkas, hindi rin huhulihin ang may kaangkas na babae o bata.
Layunin ng ordinansa na masugpo ang krimen na kadalasan ay panghoholdap at pananambang gamit ang motorsiklo upang madaling makatakas.
Pagmumultahin ng P1,000 ang sinumang mahuhuling lumalabag sa ordinansa para sa unang pagkakataon, P2,000 naman sa pangalawa at P3,000 sa ikatlong pagkakataon at tatlong buwang pagkakakulong.
Anim na buwan pag-aaralan ng pamahalaang lokal ng Mandaluyong ang naturang ordinansa upang malaman kung epektibo ba ito.
- Latest