Kompanya sa China, tinakot ang mga empleyadong single na sisisantihin kapag hindi nagpakasal!
ISANG kompanya sa China ang nalagay sa kontrobersiya matapos magpatupad ng patakaran na nagbabanta sa mga empleyadong single at diborsiyado na kailangan na nilang mag-asawa bago matapos ang Setyembre 2025!
Ang Shuntian Chemical Group, isang kompanyang nakabase sa Shandong province ay naglunsad ng patakarang naglalayong pataasin umano ang bilang ng kasal sa kanilang hanay.
Simula noong Enero, inatasan ang lahat ng single at diborsiyadong empleyado na may edad 28 hanggang 58 na “magpakasal at magsimula ng pamilya” bago matapos ang Setyembre taong kasalukuyan.
Ayon sa nasabing polisiya, ang mga hindi makakasunod sa deadline ng Marso ay kailangang magsumite ng explanation letter. Sa Hunyo, may nakatakdang evaluation para sa mga nananatiling single. At kung hindi pa rin kasal pagdating ng Setyembre, masisisante na sila sa trabaho!
Ngunit hindi ito pinalampas ng publiko. Matapos ang matinding pambabatikos, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang lokal na Human Resources and Social Security Bureau noong Pebrero 13.
Wala pang isang araw, agad na binawi ng kompanya ang patakaran at iginiit na wala pang natatanggal na empleyado dahil dito.
Ayon sa mga eksperto, labag sa labor law ang ganitong polisiya. Sinabi ni Yan Tian, isang propesor sa Peking University Law School, na nilalabag nito ang kalayaan ng isang tao sa pagpapakasal.
Sa ilalim ng labor law ng China, ipinagbabawal sa mga kompanya ang magtanong tungkol sa estado ng pag-aasawa at plano sa pagkakaroon ng anak ng isang aplikante, kahit pa laganap pa rin ang ganitong gawain sa bansa.
Ang kontrobersiya ay naganap sa gitna ng patuloy na pagbaba ng bilang ng nagpapakasal sa China.
Noong nakaraang taon, bumagsak sa 6.1 milyon ang bilang ng mga ikinasal, kung saan 20.5 percent na mas mababa kumpara sa 7.68 milyon noong 2023.
Bagaman bahagyang tumaas ang bilang ng mga bagong silang na sanggol sa 9.54 milyon noong 2024, sinabi ng isang eksperto na ito ay dahil lamang sa paniniwalang magiging masuwerte ang mga baby na ipinapanganak sa Year of the Dragon.
Dahil dito, may ilang lokal na pamahalaan sa China ang nagpatupad ng insentibo upang hikayatin ang mga young adult na magpakasal.
Sa isang lungsod sa Shanxi province, may alok na 1,500 yuan (humigit-kumulang P12,000) para sa mga unang beses magpapakasal bago tumuntong sa edad 35.
- Latest