EDITORYAL - Bigong maipatupad ang Anti-Bullying Act

INAKDA ang Republic Act No. 10627 (Anti-Bullying Act) noong 2013. Pero sa kabila nito, hindi nasusunod ang mga probisyon ng batas sa mga school at educational institutions. Layunin ng batas na maprotektahan ang mga estudyante sa bullying sa loob ng eskuwelahan. Hindi lamang physical ang sakop ng batas kundi pati na ang verbal, relational aggression, cyber-bullying at sexual bullying.
Nagpapatuloy ang bullying at bigo ang mga eskuwelahan na maprotektahan ang mga estudyante at ang masaklap, may namamatay dahil sa bullying. Dahil hindi na matiis ang pambu-bully, gumawa na ng masamang hakbang para makaganti—pinatay ang nam-bully.
Ganyan ang ginawa ng isang lalaking Grade 8 student sa Moonwalk National High School sa Parañaque. Sinaksak niya ang kanyang kaklaseng babae gamit ang kitchen knife. Ayon sa pulisya, nagawa iyon ng suspek dahil binully daw siya ng classmate. Nang makasalubong daw ng suspek ang biktima sa pintuan ng classroom, kinuha ang kitchen knife at sinaksak ito. Nakatakbo pa raw ang biktima pero hinabol pa ng suspek at sinaksak muli. Napigil daw lamang ang suspect nang dumating ang security guard ng school. Maraming estudyante ang na-shock sa pangyayari.
Ayon naman sa ina ng biktima, bago raw naganap ang pananaksak, naipagbigay alam na sa kanya ng anak na mayroong nambubully sa kanya at binantaan siyang sasaksakin. “Ang sabi niya po sa akin, ‘Mama, sasaksakin ako ng bakla. Binubully-bully po ako, Mama. Marami po kaming magkaka-classmate. Mama, papatayin niya ba ako?’’ sabi raw ng biktima sa ina.
Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspect at pinag-aaralan ang mga hakbang na gagawin. Hindi naman makapaniwala ang ina ng biktima na patay na ang kanyang anak at kaklase ang may kagagawan.
May pananagutan ang eskuwelahan sa nangyaring ito sapagkat hindi nila ipinatupad ang nakasaad sa batas. Nasa pangangalaga nila ang mga estudyante kaya nararapat na pinrotektahan nila laban sa bullying. Dapat namo-monitor ng pamunuan ng school kung may nagaganap na bullying sa kanilang mga estudyante. Kung istrikto nilang naipatupad ang Anti-Bullying Act, hindi sana nangyari ang malagim na pananaksak.
Mayroon din namang malaking papel ang magulang sa nangyaring krimen. Kung kumilos sana nang mabilis ang ina ng biktima, maaring napigilan ang madugong pagpatay. Nagsumbong na ang anak na binantaan siyang sasaksakin pero pinagwalambahala ng ina. Sana, nagtungo siya sa school at ipinagbigay-alam sa teacher o principal kaya ang balak ng suspek. Sa huli ang pagsisisi.
- Latest