EDITORYAL — Karahasan sa kalsada

DALAWANG karahasan sa kalsada ang nangyari noong nakalipas na buwan. Una ay ang pamamaril ng isang pulis sa nakagitgitang motorista sa Tandang Sora Avenue, Quezon City noong Marso 27. Napatay ng pulis na nakilalang si Master Sgt. Randy Tuzon, 48, nakadestino sa Batasan Police Station 6 si Ronnie Borromeo, 42, ng Valenzuela City. Maraming beses binaril ni Tuzon si Borromeo at hindi na umabot ng buhay sa ospital.
Ikalawang karahasan ay nangyari noong Linggo nang isang 28-anyos na businessman ang pinagbabaril ang nakaalitang motorcycle rider sa Bgy. Boso-Boso, Antipolo City. Kritikal ang kalagayan ng binaril. Tatlo pa ang nasugatan sa pamamaril, kabilang ang girlfriend ng suspek.
Ayon sa report, galing sa isang resort ang suspek at pamilya sakay ng itim na SUV nang maganap ang insidente. Nakagitgitan umano ng suspek ang isang grupo ng riders. Nagtalo sila hanggang sa mauwi sa suntukan. Pinagtulungan ang suspek ng dalawang riders. Binunot ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan ang nakaaway na riders. Tinamaan ang tatlong iba pa sa sunud-sunod na pagpapaputok ng suspek at saka tumakas. Nahuli rin agad siya ng Antipolo police.
Noong Mayo 28, 2024, nagkagitgitan din ang mga sasakyan ng isang negosyante at isang family driver habang nasa Ayala tunnel Makati sa EDSA. Binaril ng negosyanteng si Gerard Raymund Yu ang sasakyan na minamaneho ni Aniceto Mateo, 65. Lumusot ang bala at tinamaan si Mateo sa kanang balikat na lumusot sa leeg. Isinugod si Mateo sa ospital pero namatay din. Kinabukasan, naaresto si Yu sa bahay nito sa Pasig. Narekober sa kanya ang baril na ginamit. May lisensiya pero hindi ito dapat inilalabas ng bahay.
Noong Hulyo 2016, binaril at napatay ng may-ari ng kotse ang isang siklista sa P. Casal St., Quiapo, Maynila dahil din sa gitgitan. Nagtalo ang dalawa na humantong sa suntukan. Natalo sa suntukan ang may kotse. Kinuha nito ang baril sa kotse at binaril sa ulo ang siklista. Nakilala ang biktima na si Mark Vincent Geralde at ang bumaril sa kanya ay si Vhon Martin Tanto. Tumakas si Tanto pero naaresto at na-convict. Habambuhay ang hatol sa kanya.
Noong nakaraang taon, inihain ang Anti-Road Rage Act, na nagpaparusa nang mabigat sa masasangkot sa road rage. Subalit nawala ang balita ukol sa panukala. Nasaan na ito? Nararapat itong ipasa upang maiwasan ang karahasan sa kalsada.
Maghigpit din naman ang Philippine National Police sa pagbibigay ng gun license sa sibilyan. Idaan sa masusing pag-iimbestiga ang aplikante bago isyuhan ng lisensiya. Mapanganib ang mga motoristang nagdadala ng baril habang nagmamaneho. Malakas ang loob nilang makipag-away.
- Latest