Senator Imee, nasa ‘war footing’ na!
NASA “war footing” na si presidential sister at Sen. Imee Marcos at mukhang tuluy-tuloy na ang “giyera” nila ni President Bongbong Marcos dahil kay Tatay Digong. Hindi kuntento si Mam Imee sa resulta ng kanyang isinagawang Senate hearing sa trip ni Tatay Digong sa ICC sa The Hague, Netherlands kahit may tatlong importanteng isyu na natuklasan siya, kabilang na ang kawalan ng due process.
Kaya’t magkakaroon ng second round ng hearing ang Senate committee on foreign relations sa Abril 3, at isasalang naman ang mga legal experts para makuha ang ambag nila sa kaso ni Tatay Digong. Nagdeklara na ng giyera si Mam Imee laban sa gobyerno ni BBM? Masalimuot talaga ang pulitika sa Pinas, ‘no mga kosa? Ganun na nga! Mukhang hindi ang May elections ang katapusan nitong bangayan sa kampo nina Tatay Digong at BBM. Mismooo! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sa unang Senate hearing, nakasentro ang pagtatanong ni Mam Imee sa pagsiwalat ni DILG Sec. Jonvic Remulla na may “core group” na nagplano sa pag-aresto kay Tatay Digong na para sa una ay “smoking gun” ito.
Nagpahayag ng pangamba si Mam Imee na “planado at labag sa Constitution” ang mga kilos ng matataas na opisyal ng pamahalaan dito. Eh di wow! “Ang pahayag ni Kalihim Jonvic Remulla na ang umano’y planong pag-aresto ay base lang sa tsismis, ay hindi kapani-paniwala,” sabi ni Mam Imee sa press briefing noong Huwebes.
Dagdag pa niya, hindi umano basta tsismis ang naturang plano, at ang di kapani-paniwalang pahayag ni Remulla ay lalong nagpapatibay sa kinatatakutan ng marami — na mayroon nang planong arestuhin si Tatay Digong kahit hindi pa nailalabas ang warrant mula sa ICC.
Lumalabas na nagtipun-tipon sina BBM at iba pang opisyales para lang pag-usapan ang tsismis? Abayyy nagsayang sila ng taxes ng mga Pinoy! “Ang pagtatangkang pagtakpan ang mga lumabas na sa media at ang mga nangyari na ay indikasyon ng isang masusing planong aresto kay Tatay Digong na nakalatag na bago pa man ang petsang nakasaad sa ICC warrant na Marso 11,” giit pa ni Mam Imee. Sanamagan! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon kay Mam Imee lumilitaw sa unang hearing na nakapagpasya na ang pamahalaan na tumulong sa ICC sa pag-aresto kay Tatay Digong at nagsimula na ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.
“Na-mobilize na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Si National Security Adviser Eduardo Año ay mino-monitor na ang kilos ni Tatay Digong, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa Interpol ang kahilingan para sa arrest,” ayon kay Mam Imee.
Binatikos din niya ang pahayag ni Remulla na binabalewala ang isyu na tila tsismis lamang, gayung ang pagsisiwalat ay nagbibigay ng mas malinaw na larawan ng umano’y maingat na pinagplanuhang hakbang.
“Mayroong lantad na paglabag sa mga karapatan ng dating pangulo. Walang inilabas na warrant mula sa korte sa Pilipinas. Ang aresto ay hindi pasok sa mga eksepsiyon ng warrantless arrest. Ito ay tahasang paglabag sa mga pananggalang ng Konstitusyon para sa kalayaan at due process,” aniya. Tsk tsk tsk!
Abangan!
- Latest