Gun ban lagging nilalabag
Dahil sa nalalapit na midterm elections sa Mayo, may umiiral tayong pagbabawal sa pagbibitbit ng baril sa labas ng tahanan. Ngunit ang ganitong gun ban na ipinatutupad ng COMELEC at Philippine National Police (PNP) ay hindi naipatutupad. Iyan ang masakit na katotohanan kaya marami pa ring nagaganap na election violence.
Noong Linggo (Marso 30), dahil sa road rage, binaril ng isang motorista ang isang rider sa Antipolo City. Kinasuhan na diumano ng murder ang namaril.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Marbil, may plano ang PNP na patawan ng lifetime ban ang mga lumalabag sa gun ban. Parang knee jerk reaksiyon iyan. Porke may nangyaring krimen kaya may reaksiyon.
Ngunit pagkatapos ng halalan at ni-lift ang gun ban, tiyak makakalimutan na iyan. Si Marbil ay extendee lang at magreretiro na matapos ang halalan. Ipatutupad kaya iyan ng susunod na hepe ng PNP?
Huwag sana pulos salita. Kapag may gun ban sa eleksiyon, katakut-takot na checkpoints ang naka-deploy sa lahat ng dako. Mahaba ang pila ng mga sasakyan na iniinspeksyon “kuno.” Pero ang totoo, wala naman talagang masinsing inspeksyon na ginagawa kaya nakalulusot din yung may kargada.
Isa pa, dapat may parusang pagkabilanggo ang violators. Kung magaan lang ang parusa, wa-epek iyan! Marahil, Kongreso ang dapat gumawa ng batas kaugnay nito. Kung memorandum lang na gawa ng pulisya, lalabagin lang iyan lalo na kung ang hinuhuli ay magpapakita ng nilagdaang calling card ng hepe.
- Latest